Monday, August 15, 2011

Ang Pinakamahaba kong Paghihintay



Sonny,

Labing-siyam na oras.

Hindi ko alam kung paano mo ito palilipasin. Ikaw na hindi marunong maghintay. Ikaw na hindi marunong mag-break. Kung bakit ba kase nahuli ka sa flight mo kaninang alas-3 ng hapon. ‘Yan tuloy kailangan mong maghintay dito sa terminal ng labing-siyam na oras para sa sunod na flight bukas ng alas-8 ng umaga. Mas mabigat ‘yan sa mahigit three hundred pesos na binayaran mo bilang penalty.
Iisipin mo marahil na ito na ang pinakamahabang oras na ikaw’y maghihintay, siguro dahil mabagal na iikot ang kamay ng orasan. Labing-siyam na oras mong panonoorin ang mga mukhang ngayon mo pa lamang makikita - mga taong darating mula sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas at mundo, mga taong aalis, mga taong sasalubong at maghahatid sa kanila.

Siguro’y malulungkot ka dahil wala ka man lang well-wisher bukas bago ka pumasok sa pre-boarding area. Dadagdagan pa ang iyong kalungkutan ng nararamdaman mong pagod hatid ng mga pinagkaabalahan mo sa nagdaang mga araw. Nasanay ka kasi na mabilis ang paglalakad mo. Nakakapagtaka tuloy kung bakit ka na-late. Siguro ay disappointed ka masyado sa sarili mo ngayon. Pumalpak kase ang schedule mo ngayong araw.

Anlaki naman ng maleta mo. Mabigat siguro yan. Saan ka nga ba papunta, Sonny? Malayo-layo na rin ang nararating mo. Tila yata nag-eenjoy ka sa madalas mong pagbibyahe. Kung hindi ka nakasakay sa tricycle, sa bus, sa kotse, sa van, sa bus, o sa eroplano, naglalakad ka naman. Wala kang preno. Hindi ka man lang mag-slowdown. Ngayon lang dahil wala kang choice kundi ang huminto at maghintay ng labing-siyam na oras.

At dito ka lalong maiirita - wala kang magagawa. Hindi ito kaya ng powers mo. Mararamdaman mong helpless ka sa sitwasyon na ito. Dito, hindi ka kilala. Dito, hindi ka presidente. Dito, wala kang authority. Magse-self-pity ka dahil akala mo kaya mo nang gawin ang lahat. Antaas kase ng pagtingin mo sa sarili mo. You and your great expectations!

Talo ka ngayon. Matatabunan nito ang pagkakapanalo mo bilang solong Atenista (sa Naga) na napili para dumalo sa prestihiyosong National Youth Parliament (sa Bohol, kung saan ka patungo), isang karangalang maidadagdag mo sa iyong resume. Astig ka talaga pagdating sa interview. Kung sabagay, sa paper presentation pa lang, taob na sila sa’yo. Ang yabang mo rin ano?

Pero talo ka parin. Biruin mo, tinalo ka lang ng traffic. Hindi ba’t malaking insulto yun sa’yong pagkatao? Marahil ay tuwang-tuwa at nagpipiyesta ang mga detractors mo. Ngayon pa lang ay ipinagkakalat na sa text ang katangahan mo: SI SONNY, NAIWAN NG EROPLANO! Napakalaking entertainment news, hindi ba? Sa totoo lang, ikaw lang ang mag-iisip nito dahil feeling mo ay superstar ka.

Pero siyempre, may gagawin ka para masabi mo man lang sa sarili mo na naging productive ang katangahan mo. Pampalubag-loob, ‘ika nga. Magsusulat ka. Maya’t maya ay dadalawin ka ng mga alaala mo, yung mga luma, yung mga bagong alaala. Hindi ba’t ito naman ang motivation mo? Syempre, gusto mo na maganda ang maisusulat mo. Sayang naman ng mahabang oras ng pagsusulat mo kung magsasayang ka lang ng tinta. At alam mo rin kung ano’ng consequence nito. Kailangan mong malungkot.

Tamang-tama ang labing-siyam na oras. Marami-rami ang maisusulat mo. Matagal-tagal na pag-eemote ‘to. Maiinis ka. Magagalit ka. Mabibigo ka. Magsisisi ka. Mapapagod ka. Maiinggit ka. Mangangamba ka. Mag-iisa ka. Malulungkot ka.

Saan ka ba magsisimula? Siguro, una mong maiisip yung mga bagong alaala. Siguro ay nakalimutan mo na yung mga luma. Matagal-tagal na rin mula nung huli mo silang dinalaw. Tila seryoso ka na nang sinabi mong may closure na. Pero syempre, ‘pag may luma, may bago.

Kumusta ka na, Sonny? Naitanong mo na rin ba ito sa sarili mo? Kumusta ang buhay mo? Kumusta ang lagay ng puso mo? Kumusta ang lahat sa’yo?

Itutuloy…

Unang bahagi ng liham na isinulat ko noong October 21, 2006, 8:12 p.m. - 11:55 p.m. sa Centennial Terminal 2, Manila International Airport, Pasay City.

No comments:

Post a Comment