Tuesday, August 16, 2011

I am now ready

"I have come
to the ends
of the earth
for this...
I am now ready
to trade my life with"
to see the world outside
to feel pain and pleasure
to choose death
to live again
and to die for it
to give up sanity
reason and philosophy
to taste the “famine and the feast”
and drink all the wines and tears
to find the beginning
and meet the end of all things
to follow the sun, stars, and moon
and where the boys and girls go
to know about their stories
their games, their dreams
and make them mine too
to fall, to come true
to seize the day, own tonight
and save all the rains and light
to say all the words
like I love you
Can we be lovers?
to fall in love
to fall out of it
to be loved
to be unloved
to hear all the words
like I don't love you
We're better off as friends!
to feel pain
to love still and more
for a second chance
and never give up
to try again
to fall again
to love you...
to ask nothing
in return
just to love you
to let me love you
and show you
how much i love you
For these...
I have come
to the ends
of the earth
For these...
I am now ready...

Written on May 22, 2003, 12:20 - 2:15 a.m.

Masaya


MASAYA
Tila masaya ang himig ng FM ngayon.
Tila nakikiayon ito sa init ng pagyakap ng araw,
Sabay sa pag-awit ng aking puso.
Tila pag-ibig na.
Pag-ibig na.

MALUNGKOT
Tila malungkot ang himig ng FM ngayon.
Tila nakikiayon ito sa pagpatak ng ulan,
Sabay sa pag-iyak ng aking puso.
Tila pag-ibig na.
Pag-ibig na.

MASAYA PA RIN
Tila masaya ulit ang himig ng FM ngayon.
Tila nakikiayon ito sa muling pagsikat ng araw,
Sabay sa pagtahan ng aking puso.
Pag-ibig na nga.
Pag-ibig na.

Isinulat noong September 2, 2006, 10:20 - 10:45 a.m.

Monday, August 15, 2011

Sa Food Court (ng Ali Mall)

Heto na naman ako sa food court ng Ali Mall. Gaya ng dati, magsusulat na naman ako ng aking mga kawirduhan habang hinihintay ang 8:30 night trip ng Isarog na mag-uuwi sa akin sa Naga.
Ganitong-ganito rin may tatlong taon na ang nakakaraan. Wala pa ring pinagbago ang Ali Mall. Tambayan pa rin ito ng mga biyaherong tulad ko. Noon, kahit alam ko kung saan ako dadalhin ng bus matapos ang walong oras ng pagtulog sa biyahe, tila wala pa ring katahimikan ang aking pag-iisip. At kahit alam kong may pamilyang nakaabang sa akin sa bus terminal upang ihatid ako sa aming tahanan, alam kong babalik ako dito upang magsayang ng oras sa mga mall, sa MRT, sa mga sidewalk, sa mga sinehan at mga overpass ng Maynilang pilit kong inaangkin. Babalik ako para magkunwaring dito ako nababagay.
Tatlong taon din yun. At tatlong taon na rin ang nakakaraan noong huli akong umupo dito sa Food Court at sumumpa na hindi ko na babalikan ang bawat lugar na nagpapaalala sa akin ng mga tagumpay at kabiguan ko sa pinili kong landas.
Ang totoo, makailang ulit na akong bumalik dito sa food court. Ngunit sa pagkakataong ito, masaya na ako. Alam kong kahit ilang beses pa akong maghintay dito, mayroon akong babalikan, doon kung saan ako masaya, doon kung saan laging may naghihintay sa akin at nagmamahal ng walang kapalit, doon kung nasaan ang puso ko.
Isinulat noong September 1, 2006 sa Food Court ng Ali Mall, Araneta Center, Cubao, 6:30-6:54 ng gabi.

Ang Pinakamahaba kong Paghihintay



Sonny,

Labing-siyam na oras.

Hindi ko alam kung paano mo ito palilipasin. Ikaw na hindi marunong maghintay. Ikaw na hindi marunong mag-break. Kung bakit ba kase nahuli ka sa flight mo kaninang alas-3 ng hapon. ‘Yan tuloy kailangan mong maghintay dito sa terminal ng labing-siyam na oras para sa sunod na flight bukas ng alas-8 ng umaga. Mas mabigat ‘yan sa mahigit three hundred pesos na binayaran mo bilang penalty.
Iisipin mo marahil na ito na ang pinakamahabang oras na ikaw’y maghihintay, siguro dahil mabagal na iikot ang kamay ng orasan. Labing-siyam na oras mong panonoorin ang mga mukhang ngayon mo pa lamang makikita - mga taong darating mula sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas at mundo, mga taong aalis, mga taong sasalubong at maghahatid sa kanila.

Siguro’y malulungkot ka dahil wala ka man lang well-wisher bukas bago ka pumasok sa pre-boarding area. Dadagdagan pa ang iyong kalungkutan ng nararamdaman mong pagod hatid ng mga pinagkaabalahan mo sa nagdaang mga araw. Nasanay ka kasi na mabilis ang paglalakad mo. Nakakapagtaka tuloy kung bakit ka na-late. Siguro ay disappointed ka masyado sa sarili mo ngayon. Pumalpak kase ang schedule mo ngayong araw.

Anlaki naman ng maleta mo. Mabigat siguro yan. Saan ka nga ba papunta, Sonny? Malayo-layo na rin ang nararating mo. Tila yata nag-eenjoy ka sa madalas mong pagbibyahe. Kung hindi ka nakasakay sa tricycle, sa bus, sa kotse, sa van, sa bus, o sa eroplano, naglalakad ka naman. Wala kang preno. Hindi ka man lang mag-slowdown. Ngayon lang dahil wala kang choice kundi ang huminto at maghintay ng labing-siyam na oras.

At dito ka lalong maiirita - wala kang magagawa. Hindi ito kaya ng powers mo. Mararamdaman mong helpless ka sa sitwasyon na ito. Dito, hindi ka kilala. Dito, hindi ka presidente. Dito, wala kang authority. Magse-self-pity ka dahil akala mo kaya mo nang gawin ang lahat. Antaas kase ng pagtingin mo sa sarili mo. You and your great expectations!

Talo ka ngayon. Matatabunan nito ang pagkakapanalo mo bilang solong Atenista (sa Naga) na napili para dumalo sa prestihiyosong National Youth Parliament (sa Bohol, kung saan ka patungo), isang karangalang maidadagdag mo sa iyong resume. Astig ka talaga pagdating sa interview. Kung sabagay, sa paper presentation pa lang, taob na sila sa’yo. Ang yabang mo rin ano?

Pero talo ka parin. Biruin mo, tinalo ka lang ng traffic. Hindi ba’t malaking insulto yun sa’yong pagkatao? Marahil ay tuwang-tuwa at nagpipiyesta ang mga detractors mo. Ngayon pa lang ay ipinagkakalat na sa text ang katangahan mo: SI SONNY, NAIWAN NG EROPLANO! Napakalaking entertainment news, hindi ba? Sa totoo lang, ikaw lang ang mag-iisip nito dahil feeling mo ay superstar ka.

Pero siyempre, may gagawin ka para masabi mo man lang sa sarili mo na naging productive ang katangahan mo. Pampalubag-loob, ‘ika nga. Magsusulat ka. Maya’t maya ay dadalawin ka ng mga alaala mo, yung mga luma, yung mga bagong alaala. Hindi ba’t ito naman ang motivation mo? Syempre, gusto mo na maganda ang maisusulat mo. Sayang naman ng mahabang oras ng pagsusulat mo kung magsasayang ka lang ng tinta. At alam mo rin kung ano’ng consequence nito. Kailangan mong malungkot.

Tamang-tama ang labing-siyam na oras. Marami-rami ang maisusulat mo. Matagal-tagal na pag-eemote ‘to. Maiinis ka. Magagalit ka. Mabibigo ka. Magsisisi ka. Mapapagod ka. Maiinggit ka. Mangangamba ka. Mag-iisa ka. Malulungkot ka.

Saan ka ba magsisimula? Siguro, una mong maiisip yung mga bagong alaala. Siguro ay nakalimutan mo na yung mga luma. Matagal-tagal na rin mula nung huli mo silang dinalaw. Tila seryoso ka na nang sinabi mong may closure na. Pero syempre, ‘pag may luma, may bago.

Kumusta ka na, Sonny? Naitanong mo na rin ba ito sa sarili mo? Kumusta ang buhay mo? Kumusta ang lagay ng puso mo? Kumusta ang lahat sa’yo?

Itutuloy…

Unang bahagi ng liham na isinulat ko noong October 21, 2006, 8:12 p.m. - 11:55 p.m. sa Centennial Terminal 2, Manila International Airport, Pasay City.

Masaya



MASAYA
Tila masaya ang himig ng FM ngayon.
Tila nakikiayon ito sa init ng pagyakap ng araw,
Sabay sa pag-awit ng aking puso.
Tila pag-ibig na.
Pag-ibig na. 

MALUNGKOT
Tila malungkot ang himig ng FM ngayon.
Tila nakikiayon ito sa pagpatak ng ulan,
Sabay sa pag-iyak ng aking puso.
Tila pag-ibig na.
Pag-ibig na. 

MASAYA PA RIN
Tila masaya ulit ang himig ng FM ngayon.
Tila nakikiayon ito sa muling pagsikat ng araw,
Sabay sa pagkatuyo ng aking luha.
Pag-ibig na nga.
Pag-ibig na.

Isinulat noong September 2, 2006, 10:20-10:45 a.m.

Huling Yakap sa Taglamig


Huling Yakap sa Taglamig
Tila malamig na panahon
Ang himig ng FM ngayon
Habang ako’y tulala
At nagpaparaya
Sa lamig na nanggagahasa
Nakatihaya
At walang magawa
Bukang-buka
Ang mga matang may luha
At paulit-ulit ginugunita
Ang ating mga eksena
Na sariwang-sariwa pa…
Ang higpit ng hawak mo
Sabi mo pa nga
Parang ayaw mo nang bitiwan
At nagmamakaawa
Ang iyong mga mata
Na ikaw’y pagbigyan
Ako’y mahagkan
Bago natin tuluyan
Pag-ibig sa isa’t isa’y iwan
Maghukay sa tagong espasyo
Ng silid ng ating mga ala-ala
At ilibing sa pinakailalim nang sagad
Hanggang sa kaloob-looban
Nang walang babalikan
O patutunguhan
Huling yakap sa Tag-lamig…
Huling paglapat ng ating mga bibig…
Huling sulyap sa ating langit
Huling nakaw na saglit…
Yun lang
At wala nang iba pa…
Doon nagtapos
Doon dapat magtapos…
Maling pag-ibig nati’y
Sa gabi’y pabayaan
Luha’t laway sa ating ala-ala’y
Patutuyuin sa init ng umaga
Kung saan tayo’y sabay na babangon
Na may ngiti sa ating mga labi
Kahit anino nati’y sawi
'Pagkat sa labas ng ating pinto’y
Naghihintay…
Ibang mga puso…


Isunulat noong November 26, 2003, 10:25-10:55 p.m. 
Nailahathala din ito gamit ang alyas na Mr Ripley.

Unang Halik sa Ika-14 na Tag-init


Minsan sa aki’y bumabalik
Ang ika-labing-apat na tag-init
Kapiling ang dagat na umaawit
Habang ang hangin sa ati’y humahalik
Ako’y nakaupo sa malamig nang buhangin
Ikaw nama’y naghihintay paa’y salubungin
Ng mga munting alon
Lungkot ng namamaalam na araw’y pawiin
Nang ako’y iyong tanungin…
"Bakit pula ang silahis ng papalubog na araw?"
Sa kawalan tinig mo’y umalingawngaw
At ako’y nag-isip nang malalim…
Sa sandaling pagharap mo sa’kin
Siya namang pagsabog sa likuran mo
Ng dugong tila dumantay sa mukha mong maamo
Ikaw’y lumapit at kumandong sa’kin
Gaya ng dati, noong tayo pa’y musmusin
Pintig ng mundo’y ramdam ko rin
Papabilis, papalakas, ‘di na kayang pigilin
Habang yumayapos sa atin ang dilim
Sabay sa pagyakap ng iyong mga kamay
Sa aking balikat, iyong mukha’y
Payapang humimlay…
Sabi ko’y may ibubulong na lihim
Kaya iyong tenga’y inilapit sa akin
At sa pagdampi ng iyong buhok
Ay akin namang pag-ihip
Sa pagkakiliti’y ikaw’y kinilig
Ganti mo nama’y ihip ring malamig
Sa aking matang napapikit…
At sa aking pagmulat
Sa iyong mga labi’y gumuhit
Ngiting walang sintamis
Ngunit may mga munting luhang umagos
Unti-unti kang yumuko’t
Buhok mo sa mukha’y bumalot…
Mga palad ko ito’y hinawi’t
Pinahid luhang nanginglid
Mga mata nati’y nagtitig
Bahagyang ibinuka ang aking bibig
Dahan-dahan mukha nati’y naglapit
Napasinghap sa mga labing nagdikit
Ako’y di mapigilang mapapikit
Sa ligayang dumuyan sa akin sa langit
Hinati ng aking ibabang labi
Pagitan ng iyong bibig
Na tila’y sunud-sunuran na sa ilang sandali
Nang malasap ang tamis
Naghalong laway na malagkit
At samyo ng hininga natin
Hanggang aking maramdaman ang diin
Ng iyong nanggigigil na mga ngipin
At ako’y itinulak mong mahina
Para humiwalay tuluyan ating mga mukha
At ang pagkakadikit ng ating mga labi
Halos di ko na marinig
Malungkot mong Paalam…
A sa muling pagmulat
Ikaw’y nilamon na ng dilim
Tanging mga bakas na lang sa buhangin
At ang lasa ng dugo
Sa namamagang labi
Ang nagpatotoo ng lahat sa akin
Na ang lahat ay ‘di lang isang panaginip…
Hanggang ngayon
Ako’y ibinabalik
Sa ikalabing-apat na tag-init
Sa piling ng awit ng dagat
Sa bulong ng hangin
Sa lamig ng buhangin sa paanan
Sa iyong yakap
Sa pait…
Sa tamis…
Sa ilang sandali…
Ng una
At huli mong…
Halik.
Isinulat noong 2002.